Aso ang tatagain pero binti niya tinamaan LASING NAPATAY ANG SARILI

QUEZON – Patay ang isang lalaking lasing matapos na mataga ang kanyang binti dahil sa pagkayamot sa isang aso sa Brgy. Suliyao, sa bayan ng Pitogo sa lalawigang ito.

Kinilala ang biktimang si Carlos San Agustin Jr., 50, isang magsasaka.

Batay sa report ng Macalelon Police, dakong alas-11:00 noong Huwebes ng gabi, matutulog na sana ang biktima sa labas ng bahay ng kanyang kaibigan matapos itong makipag-inuman, nang magalit ito sa aso dahil sa pagdila sa kanyang paa.

Dahil sa inis, inundayan nito ng taga ang aso subalit ang kanyang binti ang tinamaan.

Bunsod nito, matinding nasugatan sa paa ang biktima na hindi tumigil sa pagdurugo.

Isinugod ito sa ospital sa bayan ng Gumaca subalit idineklarang dead on arrival ng doktor. (NILOU DEL CARMEN)

15

Related posts

Leave a Comment