CAVITE – Tinutugis ng mga awtoridad ang isang lalaki makaraang barilin ang kanyang kapitbahay dahil sa paniningil nito sa kanyang utang sa bayan ng Kawit sa lalawigan noong Sabado ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa Kalayaan Hospital ang biktimang si Antonio Avila y Layson, 36, may asawa, ng Libis ng Nayon, Brgy. Wakas II, Kawit, Cavite dahil sa tama ng bala sa kanyang kaliwang paa makaraang barilin ng kapitbahay nito na si alyas “Benjamin”.
Ayon sa ulat, dakong alas-7:10 ng gabi nang magkita ang magkapitbahay sa Brgy. Wakas kung saan kinompronta ng biktima ang suspek hinggil sa utang nito.
Subalit imbes na magbayad, sinabihan ito ng suspek na “Kaya kong bayaran ang buhay mo” na ikinapikon naman ng biktima at itinulak nito.
Pagkaraan ay umuwi ang suspek subalit bumalik at tinutukan ng baril sa ulo ang biktima habang nakahiga sa kanyang duyan.
Tinadyakan naman ng biktima ang suspek at nag-agawan sila sa baril hanggang sa mabaril ang una na tinamaan sa kaliwang paa.
Isinugod ang biktima sa ospital habang ang suspek ay tumakas subalit naiwan ang ginamit na .38 kalibreng baril. (SIGFRED ADSUARA)
58