AYUDA IPAMAMAHAGI NG PAMAHALAAN SA BENGUET SA LINGGO

HINDI lang cash kundi pati bigas ang ipamamahagi ng administrasyong Marcos sa libu-libong residente sa lalawigan ng Benguet sa darating na Linggo.

Pangungunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang cash and rice distribution o card program ng pamahalaan.

Ito na ang ika-20 lalawigan na bibigyan ng ayuda ng gobyerno para sa mahihirap na kababayan.

Ayon kay Romualdez, “tinutupad lang ng Pangulong Marcos ang pangako na prayoridad sa kanyang administrasyon ang mga mahihirap na sabay-sabay na aahon at hindi sila maiiwan”.

“Ang Kongreso ay naglaan ng malaking halaga para sa programang ito at tuloy-tuloy ito sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon,” ani Romualdez.

Pagtiyak pa nito, lahat ng lalawigan sa bansa ay dadaanan ng ayuda program ng pamahalaan.

“Layon ng programang ito ay para makaagapay ang mga maliliit na kababayan natin sa mga gastusin at pangkain sa araw-araw,” ayon pa sa lider ng Kamara.

Para naman kay Benguet Lone District Cong. Eric Yap, ang pagdala ng ayuda ni Speaker Romualdez ay natiyempo ngayong nararanasan ang matinding El Niño sa lugar.

“Malaking tulong lalo na sa mga magsasaka namin dahil alam nyo naman ang Benguet ang isa sa mga source ng gulay ng Luzon at ngayon ay nakakaramdam ng epekto ng El Niño,” ayon kay Cong. Yap.

Pinasalamatan din ni Cong. Yap sina Pangulong Marcos at Speaker Romualdez sa ayuda na ibababa sa kanyang distrito.

 

35

Related posts

Leave a Comment