BABAE PATAY SA SALPOK NG VAN

QUEZON – Namatay ang isang babaeng nakatayo sa gilid ng highway nang masagasaan ng van na nasabugan ng gulong habang tumatakbo sa Quirino Highway, Brgy. Tabason, sa bayan ng Tagkawayan sa lalawigang ito, noong Huwebes ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Teresita Batin, 62-anyos.

Batay sa report ng Tagkawayan Police, dakong alas-7:00 ng umaga nang sumabog ang hulihang kanang gulong ng L300 van na minamaneho ng 26-anyos na si Chris Gunay habang binabagtas ang highway patungong north direction.

Nawalan ito ng kontrol sa manibela at lumihis ang sasakyan patungo sa shoulder at nasagasaan ang nakatayong biktima.

Tumakbo pa ang van ng 50 metro at nahagip din nito ang isang nakaparadang motorsiklo.

Itinakbo pa sa ospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Nasa kostudiya na ng Tagkawayan PNP ang nakasagasang driver. (NILOU DEL CARMEN)

Related posts

Leave a Comment