NATAGPUAN ng isang lalaking naghahanap ng kanyang alagang baka, ang bangkay ng isang babaeng estudyante na limang araw nang nawawala, ayon sa mga awtoridad sa Diffun, Quirino.
Ayon kay Police Major Juanito Balite Jr., hepe ng Diffun Police, matapos ang limang araw na paghahanap sa babaeng estudyante ay natagpuan ito sa magubat na lugar sa Barangay San Isidro nitong nakalipas na linggo.
“May naamoy siya na hindi magandang amoy, hanggang natunton niya [‘yung bangkay] and then ni-report sa mga kabarangay and then may nag-report na rin sa amin,”ani Balite.
Agad na ipinag-utos na isailalim sa medico legal examination ang bangkay na nasa ‘early stage of decomposition’ na nang makita na may tali sa leeg at paa.
Ayon sa inisyal na pagsusuri, posible umanong namatay ang biktima sa ‘strangulation’ o pagkakasakal base sa nakitang pasa at tali sa leeg nito.
“Sinadya ito, pinatay talaga ‘yung biktima. Ang result ng examination sa kanya ay strangulation din,” ani Balite.
Batay naman sa mga suot ay nakilala ng mismong mga kaanak ang bangkay na residente ng Barangay Aurora East, at Grade 11 student ng Diffun National High School.
Huli raw nilang nakitang buhay ang biktima noong Setyembre 17 nang magpaalam ito na may pupuntahan.
Patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat ng mga pulis sa kaso at sinasabing may ‘persons of interest’ nang tinututukan ang mga imbestigador sa pagkamatay ng biktima.
(JESSE KABEL RUIZ)
303