QUEZON – Sugatan ang isang lalaking kalalabas pa lamang sa kulungan, at ang asawa nito matapos pagbabarilin ng riding in tandem habang sakay ng kanilang tricycle sa national highway sa Sitio Centro, Brgy. Del Rosario, sa bayan ng Tiaong sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang mga biktimang sina Gregorio Comia Aquino, 62-anyos, at Ma. Anti Ariola Aquino, 60, mga residente ng Brgy. Cabay, Tiaong.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-3:30 ng hapon habang tinatahak ng mag-asawa ang highway nang pagbabarilin sila ng mga suspek na sakay ng motorsiklo na bigla na lamang sumulpot mula sa kanilang likuran.
Tinamaan ang mister sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang nahagip din ng bala ang ginang sa kanyang hita.
Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng San Juan, Batangas matapos ang pamamaril.
Agad namang isinugod ang mag-asawa sa Quezon Medical Center sa Lucena City.
Ayon sa pulisya, ang lalaking biktima ay kalalabas pa lamang mula custodial facility noong Mayo 9 sa bisa ng piyansa, matapos na ito ay maaresto ng CIDG Laguna PFU dahil sa kasong ilegal na droga noong Abril 28, 2023.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang pangyayari at inaalam ang motibo at kung sino ang mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)
