CAVITE – Tinatayang umabot sa P152,000 halaga ng gadgets at cash ang natangay ng isang hinihinalang akyat-bahay mula sa bahay ng isang missionary pastor sa Tagaytay City noong Huwebes ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Mario Abelda y Tan, may asawa, residente ng Brgy. Kaybagal North, Tagaytay City.
Inilarawan ang suspek na nakasuot ng itim na sweatshirt na may hood, itim na maong short, at itim na relo sa kaliwang kamay.
Ayon sa ulat, bandang alas-7:00 ng umaga nang matuklasan ng biktima ang nawawala nitong gadgets, mga alahas, iba’t ibang ID at P40,000 cash, na umabot ang kabuuang halaga sa P152,000.
Nabatid sa imbestigasyon na nakapasok ang suspek sa kaliwang pintuan ng bahay na umano’y naiwang nakabukas.
Patuloy ang isinasagawang backtracking ng mga awtoridad sa closed circuit television (CCTV) para sa mga dinaanan at posibleng pagkakakilanlan ng suspek. (SIGFRED ADSUARA)
9