BAHAY PINAULANAN NG BALA, 1 PATAY, 1 SUGATAN

PATAY ang isang lalaki habang malubhang nasugatan ang isang barangay peace keeping volunteer makaraang paulanan ng bala ang kanilang bahay sa kasagsagan ng campaign period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan 2023 polls, sa Maguindanao del Norte.

Base sa inisyal na ulat, pinagbabaril ng tatlong hindi pa kilalang kalalakihan na armado ng matataas na kalibre ng baril, ang bahay ng mga biktima sa bayan ng Sultan Mastura.

Lubhang malakas umano ang loob ng mga suspek dahil isinagawa nila ang krimen sa katanghaliang tapat gamit ang iba’t ibang kalibre ng baril at mahigit 30 bala.

Ayon kay Sultan Mastura Police chief, Captain Elmar Elarcosa, may mga saksi sa isinagawang pamamaril sa bahay ni Abdul Nor Benasing Palog, isang pedicab driver, na agad namatay habang sugatan din ang peacekeeping volunteer na si Tahiran Succor.

Inihayag ni Bangsamoro Police director, Brigadier General Allan Nobleza, halos isang dosena na ang kaso ng pamamaril ang kanilang naitala sa nasasakupan ng Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao (BARMM) simula noong Oktubre 19, sa pagsisimula ng campaign period. Lima sa nangyaring gun attacks ay election-related.

Naitala ito sa Lanao del Sur, Maguindanao del Sur, at Tawi-tawi na isa sa mga dahilan para magdesisyon ang COMELEC, PNP at AFP na magtalaga ng karagdagang pwersa partikular sa nasasakupan ng BARMM.

Bukod sa mga pulis mula sa Northern Mindanao at Soccsksargen Region na ikakalat sa BARMM ngayong linggo, palalakasin pa ang puwersa ng gobyerno sa pamamagitan ng pagdaragdag ng police contingent mula sa National Capital Region, Special Action Force (PNP-SAF).

Sa datos ng pamahalaan, nasa 70% porsyento ng 361 areas na itinuturing na nasa red category o grave security concern, ay nasa loob ng BARMM.

(JESSE KABEL RUIZ)

223

Related posts

Leave a Comment