TIYAK na nanakawin lang ang hinihingi umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na karagdagang flood control projects matapos ang pananalasa ng magkakasunod na bagyo na puminsala sa mga proyektong ito lalo na sa Bicol region.
Ito ang ikinababahala ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel kaya hiniling nito sa Senado na imbes na dagdagan ang flood control projects ay dapat gamitin ang pondo sa loss recovery, agrikultura at industrial productivity, climate adaptation at quick response disaster preparedness.
“If we follow Marcos, Jr.’s call to increase the flood control infrastructure budget, which already has a proposed Php 257-B budget, we are diverting funds to yet another corruption-prone government program,” ani Manuel.
Lalong nakuwestiyon ang flood control projects nang bumaha sa Bicol region dahil sa bagyong Kristine gayung napakalaking pondo umano ang ibinuhos sa nasabing rehiyon para sa nasabing proyekto.
Sa pagtataya ng Senado, umaabot sa P61 billion ang ibinigay na pondo para sa flood control projects sa Bicol Region sa loob ng dalawang taon na kinabibilangan ng ng P31. 9 billion noong 2023 at P29. 4 billion ngayon 2024.
“Alam nating hindi na sumasapat sa kasalukuyang mga bagyo ang flood walls na substandard pa dahil kinukurakot ang pambili ng materyales at pampatayo,” ayon pa sa militanteng mambabatas.
Mas kailangang tulungan aniya ang mga magsasaka dahil sa P21.4 billion umano ang nawawala taon-taon sa sektor ng agrikultura sa nakalipas na dalawang dekada dahil sa mga kalamidad tulad ng bagyo.
Lalong lumalakas umano ang mga bagyo dahil sa climate change na kahit ang National Aeronautics and Space Administration (NASA) na nagsabi na hindi pangkaraniwang ang nagdaang bagyo sa Pilipinas.
Dahil dito, imbes na buhusan aniya ng pondo ang mga flood control projects ay dapat ilaan ito sa mga bagay na makakatulong sa mamamayan na maaapektuhan ng kalamidad dahil tiyak na nanakawin lamang umano ito ng mga corrupt sa gobyerno. (BERNARD TAGUINOD)
67