CAVITE – Sugatan ang isang 73-anyos na miyembro ng Bantay Bayan nang sagasaan ng isang motorcycle rider matapos siyang sitahin sa inilatag na Oplan Sita sa General Mariano Alvarez (GMA) nitong Linggo ng madaling araw.
Nilalapatan ng lunas sa CARSIGMA Hospital ang biktimang si Jovencio Aurelio y Rufon, biyudo, miyembro ng Bantay Bayan ng Brgy. Poblacion 1, GMA Cavite, at residente ng GMA, Cavite.
Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in physical injuries ang driver ng isang motorsiklong KeyBlade Euro na si Reymart Tama y Narciso, 22, binata, construction worker, ng Barangay Bancal, Carmona, Cavite.
Ayon sa ulat, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang mangyari ang insidente habang nagpapatupad ng Oplan Sita ang mga miyembro ng GMA Municipal Police Station kasama ang biktima na miyembro ng Task Force Balikatan sa Mindanao Ave., Brgy. Maderan, GMA, Cavite.
Pinara umano ng biktima ang ang minamanehong motorsiklo ng suspek ngunit imbes na tumigil, pinaharurot nito ang kanyang sasakyan at sinagi si Aurelio na nagresulta sa pagkakasugat nito.
Isinugod ang biktima sa ospital habang naaresto sa isinagawang follow-operation ang suspek na natuklasang walang lisensya. (SIGFRED ADSUARA)
