BARANGAY CHAIRMAN SA QC NAGPASAKLOLO SA OMBUDSMAN

MAKARAANG maantala ang sweldo ng kanilang barangay staff, nagpasaklolo na sa Office of the Ombudsman ang barangay chairman ng Pasong Tamo, Quezon City matapos ipitin umano ng kanyang mga Kagawad ang panukalang budget ng Barangay ngayong taon.

Bunsod nito, sumulat na sa Office of the Ombudsman si Brgy. Captain Mae Tagle para isumbong ang lima niyang Kagawad dahil sa kabiguan ng mga ito na aprubahan ang kanilang ₱112 million 2023 proposed budget.

Ayon kay Chairman Tagle, mula Enero 2023 hanggang ngayon, re-enacted budget ang ginagamit ng kanilang Barangay dahil ilang beses umanong tinanggihan na pagtibayin ang kanilang panukalang pondo ng kanilang mga kagawad.

Sa panayam, kabilang sa mga inireklamo ni Tagle sa Ombudsman sina Kagawad Tricia Pilar, Cayetano Tamayo, Katherine Marcos, Charmaine Deuna, Jinger Anne de Jesus at SK Chairman Jane Pauline Diaz.

Nauna rito, sinabi ni Tagle na ilang beses na rin daw siyang nagtangka na makipag-ugnayan sa kanyang mga Kagawad ngunit hindi rin siya pinansin ng mga ito.

Ayon sa Punong Barangay, dahil sa naturang aksyon ng kanyang mga Kagawad nababalam tuloy ang pagpapasweldo sa kanilang mga barangay staff.

Sumubok na rin umano siyang magpatulong kay Mayor Joy Belmonte at DILG Usec. Chito Valmocina ngunit patuloy sa pagmamatigas ang mga kagawad na aprubahan ang kanilang budget.
Ayon sa Kapitan, ang pagtanggal umano niya sa dating treasurer ang dahilan kung bakit iniipit ng kanyang mga kagawad ang panukalang budget ng kanilang barangay.

Nabatid na hinihingi umano ng kanyang mga kagawad na ibalik ang dating treasurer na si Lolita Ismael ngunit dahil sa kawalan aniya nito ng respeto kaya ayaw niya itong muling ilagay sa pwesto.

Kinondena rin ni Chairman Tagle ang umano’y pakikialam ng mag-asawang QC 6th District Rep. Marivic Co-Pilar at QC Councilor Banjo Pilar sa pagpapatakbo ng kanilang barangay.
Si Councilor Banjo Pilar ay nagsilbing Kapitan ng Pasong Tamo ngunit umakyat sa City Council matapos manalo bilang konsehal ng lungsod noong 2022 at umakto bilang kapitan si Tagle dahil siya ang number 1 na barangay kagawad. (PAOLO SANTOS)

395

Related posts

Leave a Comment