BARANGAY HALL SA SAMPALOC NATUPOK

INIULAT ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection na isang barangay hall ang tinupok ng apoy nitong Miyerkoles ng umaga sa Sampaloc, Manila.

Ayon sa BFP, bandang alas-8:21 ng umaga nang sumiklab sunog sa loob ng Barangay Hall sa Brgy. 412, Zone 42 sa Legarda Street sa Sampaloc.

Nabatid kay Chairwoman Filomerna Cingco, bagama’t walang nasaktan sa sunog, ang kanilang mga gamit tulad ng computers, CCTV monitor, laptops at mga papeles ay napinsala dahil nabasa sa pagbomba ng tubig ng mga fire track at fire volunteers.

Nagsimula umano ang sunog sa mismong opisina ni Cingco na umabot lamang sa unang alarma at idineklarang fire-out alas-8:33 ng umaga dahil maagap na nakaresponde ang mga bumbero.

Aniya, siniguro naman nila na walang naiwang gamit na nakasaksak bago mangyari ang sunog sa kanilang barangay.

Wala pang eksaktong ulat ang Arson Division hinggil sa detalye kung ano ang naging dahilan ng sunog.

Ayon sa BFP, maaaring faulty electrical wiring o napabayaang naka-on na electric fan o nag-overheat na iba pang appliances ang posibleng dahilan ng sunog. (RENE CRISOSTOMO)

167

Related posts

Leave a Comment