PATAY ang isang barangay tanod nang pagsasaksakin ng kanyang nakaalitan sa Trece Martires City, Cavite, Martes ng madaling araw.
Isinugod pa sa Gen Emilio Aguinaldo Hospital ang biktima na si Armando Ignacio Jr. y Gonzales, 36, binata, ng Blk 15 Lot 15, Phase 2B, South Ville, Brgy. Aguado, Trece Martires City subalit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Naaresto naman ang suspek na si Noel Basco y Juan, 46, kapitbahay ng biktima.
Sa ulat ni Police Staff Sergeant Bryan Jay Comia ng Trece Martires City Police, dakong alas-12:15 kahapon ng madaling araw nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na humantong sa kanilang pagsusuntukan.
Subalit lingid sa biktima ay may nakatago palang patalim ang suspek at pinagsasaksak ang una.
Inaalam pa kung may kaugnayan sa trabaho ng biktima bilang tanod ang dahilan ng pagpatay rito.
(SIGFRED ADSUARA)
