BASAG-KOTSE GANG UMATAKE SA RIZAL

RIZAL – Tatlo katao ang nabiktima ng Basag-kotse gang noong Huwebes ng gabi sa magkakahiwalay na insidente sa bayan ng Taytay sa lalawigang ito, Rizal.

Unang dumulog sa himpilan ng Taytay Municipal Police Station ang biktimang si Norman Ray Eleazar bandang alas-10:59 ng gabi.

Ayon sa kanya, bandang alas-7:30 ng gabi nang iparada niya ang kanyang gray na Mitsubishi Mirage Hatchback sa harapan ng Bahay Kawayan Restaurant sa Ilog Pugad Manila East Road, Brgy.San Juan upang kumain ng hapunan kasama ang kanyang pamilya.

Matapos ang hapunan ay nagpasya silang dalhin sa ospital ang kanyang ina ngunit nadiskubre na basag na ang kaliwang bintana ng kotse at nawawala ang kanyang bag na may lamang Lenovo laptop, pabango at ilang mahahalagang kagamitan.

Kasunod na nag-report ng insidente sa pulisya si Pinky Pastor. Aniya, bandang alas-8:30 ng gabi noong Huwebes nang kanyang madiskubre na nabasag ang bintana ng kanyang puting Mitsubishi Montero habang nakaparada sa Divimart sa Taytay.

Nang kanyang inspeksyunin ay nawawala na ang kanyang bag, identification cards, 5 credit cards at dalawang passbook.

Nabiktima rin ng Basag-kotse gang si Jowie Argate. Aniya, ipinarada niya ang kanyang MU-X na itim sa Barangay San Isidro sa Taytay bandang alas-8:00 ng gabi upang magtungo sa Tea Gumps at matapos ito ay dumiretso siya sa Drip Kopi Shop.

Bandang alas-3:50 ng madaling araw nitong Biyernes nang kanyang madiskubre na basag na ang bintana ng kanyang kotse na inakala niyang dahil sa hampas ng hangin.

Ngunit natuklasan niyang nawawala ang kanyang laptop, Mini Ipad, iba’t ibang credit cards,wallet at mga ID.

Masusing nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa sunod-sunod na atake ng Basag-kotse Gang. (CYRILL QUILO)

38

Related posts

Leave a Comment