BATANGAS – Nalunod ang isang 8-anyos na batang lalaki habang nasagip ang dalawang pinsan nito, nang maligo sa ilog sa Brgy. Poctol, sa bayan ng San Juan sa lalawigang ito.
Nakaligtas sa pagkalunod ang dalawang pinsan nito nang masagip ng kanilang ina na si Maybel Oliveros.
Kinilala ang biktimang nalunod na si Ronmiel Oliveros Nedia, tubong Dalahican, Lucena City, at residente ng Barangay Poctol, San Juan.
Batay sa report ng San Juan police, ayon sa pahayag ni Oliveros, nanay ng dalawang nakaligtas at tiyahin ng biktima, dakong alas-6:30 ng umaga, naligo ang tatlong bata sa gilid ng ilog malapit sa bukana ng dalampasigan sa Barangay Poctol, nang makita niya na napunta ang mga ito sa malalim na bahagi nang anurin ng malakas na agos ng tubig.
Mabilis na sumaklolo ang ginang at pinahawak sa kanyang kamay ang tatlong bata subalit nakahulagpos ang biktima.
Tuluyan umanong inanod sa ilog ang kanyang pamangkin at tinangay ng malakas na agos patungo sa dagat habang naiahon naman nito ang kanyang dalawang anak.
Agad nagsagawa ng search and rescue operation ang mga barangay official at mga tauhan ng San Juan MDRMO at natagpuan ang katawan ng bata dakong tanghali sa baybaying dagat ng kalapit na barangay ng Catmon. (NILOU DEL CARMEN)
