BATANGAS MALL NABULABOG SA BOMB SCARE

BATANGAS – Nabulabog ang isang mall sa Tanauan City sa lalawigang ito nang may matagpuang abandonadong kahon noong Huwebes ng gabi.

Ayon sa report ng Tanauan City Police, nakatanggap sila ng tawag mula sa security office ng Victory Mall and Market sa Tanauan-Talisay Road, Barangay Poblacion 7, dakong alas-7:30 ng gabi.

Isang kahina-hinalang kahon umano ang iniwan ng hindi kilalang may-ari nito sa isang bahagi ng mall.

Agad kinordon ng mga tauhan ng Tanauan City Police ang lugar at pinalabas ang mga tao. Pansamantalang isinara rin ang mga kalsada sa paligid ng mall.

Agad nagresponde ang mga tauhan ng Batangas Explosive and Ordnance Disposal Unit at K9 Unit ng Batangas at gumamit ng canine dog para ma-detect ang hinihinalang bomba.

Matapos umupo ang canine dog sa tabi ng kahon, agad kumilos ang mga awtoridad at kinuha ang kahon at pinasabog sa bakanteng lote sa labas ng mall.

Matapos mapasabog ay nadiskubreng mga damit at isang battery operated na laruang kotse lamang ang laman ng kahon.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang nag-iwan ng kahon sa mall na pansamantalang nagdulot ng pangamba sa mall goers. (NILOU DEL CARMEN)

46

Related posts

Leave a Comment