BATAS PARA SA SOUTHERN LUZON MSMC PIRMADO NA NI PDUTERTE

NILAGDAAN na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Republic Act No. 11702 na inakda nina Quezon 4th District Representative Angelina “Helen” Tan at Cong. Mark Enverga para sa pagtatayo ng Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center sa Tayabas, Quezon.

Ang ospital ay magsisilbing kauna-unahang pagamutan para sa iba’t ibang uri ng sakit sa Timog Katagalugan at isa sa magiging apex hospital o end-referral hospital sa lugar.

Ito ay pamamahalaan ng Department of Health na siyang sisiguro sa pag-abot ng mahusay, epektibo, at abot-kayang serbisyong pangkalusugan.

Nagpasalamat si Congresswoman Tan kay Pangulong Duterte sa pagsasabatas na ayon sa kanya ay alinsunod sa layunin ng Universal Health Care (UHC) Act na kanya ring isinabatas.
“Ito po ay isang mahalagang hakbang sa pag-abot ng ating pangarap na kalusugan para sa lahat ng Pilipino,” banggit ni Tan. Aniya, maraming mahihirap na may sakit ang makikinabang sa pagtatayo ng Southern Luzon MSMC.

“Napakalaking tulong ang pagtatayo ng ospital dahil hindi na magsisiksikan ang maraming mahihirap na mga pasyente sa Kamaynilaan upang magpagamot at higit na mabibigyan ng kagyat na atensyong medikal ang mga may karamdaman sa Southern Tagalog na siyang itinuturing ngayon na may pinakamataas na bilang ng populasyon sa buong bansa,” paliwanag ni Tan.

Makikinabang din sa nasabing panukala ang mga pasyente sa Bicol at maging ang Metro Manila kung saan matatagpuan ang mga specialty hospitals tulad ng Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, at Lung Center of the Philippines, bukod sa iba pang specialty hospitals.

Ang Southern Tagalog region ay binubuo ng lalawigan ng Batangas, Cavite, Laguna, Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, Rizal, Romblon, Aurora, at Quezon kasama ang 1st class highly urbanized na lungsod ng Lucena. (CHRISTIAN DALE)

128

Related posts

Leave a Comment