BBM ADMIN TAHIMIK SA HINAHANAP NA P20.5-B CALAMITY FUND

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MISTULANG dedma ang Malakanyang sa hamon ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ilatag sa publiko kung paano at saan ginugol ang P20.5 bilyong calamity fund.

Ang nasabing pondo ay tanging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., umano ang nagdedesisyon kung saan gagastusin.

Nauna rito, nais malaman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel kung may natira pa sa nasabing pondo.

Ayon kay Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, tuwing may kalamidad ay nag-aambagan ang mga tao para matulungan ang mga biktima sa abot ng kanilang makakaya subalit may nakalaang pondo para rito. Karapatan aniya ng taxpayers na malaman kung saan at paano nagamit ang pondong ito na sadyang inilaan para tulungan ang mga biktima ng kalamidad.

“Sa inaprubahang 2024 national budget — na malaking bahagi ay binubuo ng kinokolektang buwis mula sa taumbayan — may 20.5 bilyong piso na nakalaan para sa Calamity Fund (aka National Disaster Risk Reduction and Management Fund),” ani Manuel.

“Ang mga tanong natin. Sa 20.5 billion, gaano kalaki pa ang natira? Dahil noong nakaraang taon, napakabagal ng paggamit nitong pondo kahit na hinahagupit tayo lagi ng mga bagyo,” dagdag pa ng mambabatas.

Ayon kay Manuel, dapat ilatag ni Marcos sa taumbayan kung may natira pa sa pondo.

Sa kabila nito, wala pang tugon ang Palasyo sa hamon ng mambabatas.

Noong Oktubre, hinagupit nang todo ng Bagyong Kristine ang siyudad ng Naga sa Camarines Sur. Apektado rin ang lalawigan ng Isabela at iba pang bahagi ng northeast Luzon.

Pinakahuling nanalantang bagyo sa bansa ang Pepito na patuloy pang inaalam ang eksaktong dami ng pinsala.

50

Related posts

Leave a Comment