BFP LADY OFFICER, TIKLO SA ENTRAP OPS NG CIDG

NAHAHARAP sa kasong extortion ang isang 29-anyos na lady officer ng Bureau of Fire Protection makaraang madakip sa entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-REGION-8) sa Marasbaras, Tacloban City.

Kinilala ni P/Maj. Glenn Aculana, Assistant Regional Chief, CIDG-8, ang nadakip na si Fire Officer 1 Karla Rodriguez y Bakun, miyembro ng BFP Guiuan Fire Station at nakatira sa Brgy. 2, Taft, Eastern Samar.

Habang pormal naman na nagreklamo sa opisyal ang biktimang si Evelyn Patajo Orbita, BFP applicant, sa nabanggit na lalawigan.

Ayon sa ulat, dakong alas-1:30 ng hapon noong May 28, ikinasa ang entrapment operation ng mga tauhan ng CIDG-RFU-8 Special Operation Team laban sa suspek sa Robinsons Place sa Marasbaras, Tacloban City.

Nakumpiska sa suspek ang P50,000 boodle money at P1,000 cash na marked money at isang Samsung cellphone na gamit umano ng suspek sa ilegal na transaksyon.

Nauna rito, nag-apply ang biktimang si Orbita sa BFP kung saan pinangakuan umano ng suspek na tutulungan para makapasok bilang isang BFP officer, kapalit ng P150,000.

Dahil dito, agad nagdeposito ang biktima ng P60,000 sa Gcash ng suspek o sa account name Karla R.

Ang kasong extortion ng suspek ay agad na ipinagbigay-alam kay F/Supt. Doroteo Claro Mocorro, director ng BFP-8.

Nakapiit na sa detention cell ang akusado na nahaharap sa kasong extortion at paglabag sa Anti-Red Tape Law, RA 9485 in relation to CISCO. (ENOCK ECHAGUE)

224

Related posts

Leave a Comment