BIFF COMMANDER, 43 IBA PA SUMUKO

CAMP SIONGCO, Maguindanao del Norte – Boluntaryong sumuko sa 90th Infantry (Bigkis-lahi) Battalion ang kumander ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa ilalim ng Karialan Faction, kasama ang 43 nitong mga tauhan sa Kabacan, Cotabato

Kasama sa mga sumuko ang apat na sub-leaders at pitong bomb experts ng BIFF at nasa 34 na samut-saring armas at siyam na high explosives ammunitions naman ang isinuko ng mga ito, ayon kay Lieutenant Colonel Rommel Mundala, Battalion Commander ng 90IB.

Nasa pag-iingat na ngayon ng 90IB ang isang M14 Rifle, limang .45 caliber pistol, dalawang Ingram, isang carbine, isang RPG2, anim na Uzi, anim na Thompson, dalawang M79 grenade launchers, dalawang (2) Musil 7.62mm, walong RPGs, walong RPG fragmentation-type rounds at isang RPG high explosive anti-tank (HEAT) round.

Naging posible ang pagbabalik-loob ng dating mga rebeldeng BIFF sa pagsisikap ng mga sundalo kasama ang suporta ng Local Government Unit, ayon kay Col. Donald Gumiran, 602Bde Commander.

Isasailalim sa proseso ng enrolment ang mga former violent extremist sa reintegration program ng gobyerno, ayon kay Maj. Gen. Roy Galido, JTF Central Commander.

Muling nanawagan ang JTF Central at 6ID sa mga naging biktima ng disinformation ng BIFF, na magbalik-loob na sa pamahalaan alang-alang sa kanilang mga kaanak. (JESSE KABEL RUIZ)

32

Related posts

Leave a Comment