QUEZON -Dead on the spot ang isang binata matapos na gilitan umano sa leeg ng kanyang kainumang babae sa Brgy. Sumilang, sa bayan ng Calauag sa lalawigang ito, noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Rene Boy Llano, residente ng nasabing barangay.
Batay sa report ng Calauag Municipal Police, kainuman ng biktima ang suspek na si Edna Monteclaro at iba pang mga kaibigan, subalit nang pawang mga lasing na ay nagkaroon ang dalawa ng mainitang pagtatalo.
Nang matapos ang inuman dakong alas 8:00 ng gabi, pauwi na ang biktima nang sundan umano ito ng suspek sa madilim na lugar at ginilitan sa leeg na agad nitong ikinamatay.
Agad namang naaresto ng mga awtoridad ang suspek.
Sa presinto, sinabi nito na kasama niya ang kanyang anak na si Jonathan Monteclaro na siya umanong tumaga sa leeg ng biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari at inihahanda na ang kasong murder na isasampa laban sa suspek.
Pinaghahanap naman ang anak nito para kuwestyunin kung may kinalaman ito sa krimen.
(NILOU DEL CARMEN)
180