CAVITE – Tinutugis ng Cavite police ang tatlong kalalakihan na napagtripang saksakin at bugbugin ang isang 20-anyos na binata sa Bacoor City noong Miyerkoles ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa Southeast Asian Medical Center ang biktimang si Renz Aronurot y Labordo, ng Brgy. Molino 3, Bacoor City, Cavite dahil sa saksak at bugbog sa katawan.
Inaalam naman ang pagkakakilanlan ng tatlong suspek na tumakas matapos ang insidente.
Ayon sa ulat ni Mark Aldrin Manalo ng Bacoor City Police, dakong alas-10:30 gabi nang mangyari ang insidente habang nakaupo ang biktima sa isang tricycle sa Pechayan malapit sa Amici Subd., Brgy. Molino 3, Bacoor City.
Dumating umano ang mga suspek at tinanong ang biktima kung taga saan ito at sinagot na “taga Pechayan” ngunit walang sabi-sabing sinaksak ito ng isa habang ang dalawa ay pinagtulungang bugbugin.
Matapos ang pananaksak ay tumakas ang mga suspek habang ang biktima ay nakapagsumbong pa sa kanyang ina na siya nagdala sa kanya sa ospital. (SIGFRED ADSUARA)
