BINATA PATAY SA PULIS DAHIL SA FACE MASK

0

PAMPANGA – Patay ang isang 20-anyos na binata matapos mauwi sa pamamaril ang paninita ng pulis sa hindi pagsuot ng face mask sa bayan ng Bacolor sa lalawigang ito.

Ayon sa isinumiteng ulat ng Bacolor Municipal Police Station sa PNP Police Region Office 3, kinilala ang biktimang si Abelardo Vasquez, tinamaan ng tatlong bala sa katawan.

Naisampa na ang kasong homicide laban kay Police Cpl. Alvin Pastorin, 33, isang intel officer ng Pampanga Police Provincial Office. Si Pastorin ay nakakulong na sa Bacolor Police Station.

Tiniyak ni PNP chief, P/Gen. Dionardo Carlos na mabibigyan ng hustisya nang naaayon sa due process ang pagkamatay ni Vasquez.

Ayon kay PNP Spokesperson P/Col. Roderick Augustus Alba, inatasan na ni Gen. Carlos si Police Regional Office (PRO) 3 Regional Director, P/BGen. Matthew Baccay na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente.

Base sa inisyal na imbestigasyon, sinita ni Cpl. Pastorin ang biktima na si Vasquez na kasama ng kanyang mga kaibigan sa isang tindahan dahil sa hindi pagsusuot ng face mask.

Ngunit nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo at humingi ng saklolo ang biktima sa mga kamag-anak na nag-iinuman sa lugar.

Base sa salaysay ng mga testigo, kinukuyog ng grupo ng biktima ang pulis nang bumunot ito ng baril at pinaputukan si Vasquez.

Salungat naman ito sa pahayag ng kampo ng namatayan. Ayon sa salaysay ng pinsan ng biktima, nagkakasiyahan sila sa tapat ng bahay ng tiyahin noong Sabado, Nobyembre 20, nang pagsabihan sila ng pulis.

Kinausap umano ng Tito nila ang pulis upang makipag-ayos matapos magkagulo sa lugar.

“‘Yung Tito ko po nun, kinausap niya, ‘Ano pong problema, sir?’ Tapos ‘yun, nakipag-ayos na po. Okay na. Nagkahiwalay-hiwalay na po kami. Tapos, nung pagtalikod po namin, nakakatatlong hakbang pa lang kami, biglang may pumutok na baril,” ayon sa testigo.

Binaril umano ni Pastorin si Vasquez na agad isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Ayon naman sa Pampanga Police Provincial Office, matapos ang paninita ng pulis, pinagbabato umano ito ng mga kalalakihan, hinabol at kinuyog hanggang sa bumagsak sa lupa.

Bunsod nito, napilitan umano ang pulis na magpaputok upang idepensa ang sarili.

Nagsampa rin ng kasong attempted homicide, direct assault at malicious mischief ang pulis laban sa grupo ng biktima. (JESSE KABEL)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment