MALUBHA ang kalagayan sa pagamutan ng isang 18-anyos na binatilyo makaraang saksakin ng dalawang siga sa panulukan ng Moriones at Sto. Cristo Streets, Tondo, Manila noong Linggo ng hapon.
Kinilala ang biktimang si alyas “Mark Ace”, residente ng Brgy. 73, Tondo, Manila.
Nagsasagawa naman ng “Oplan Galugad” ang mga operatiba ng Asuncion Police Community Precinct, sakop ng Manila Police District – Moriones Police Station 2, upang madakip ang dalawang suspek na sina alyas “Jepjep” at “Bugoy”.
Ayon sa ulat nina Police Corporal Philip Sarmiento at Police Master Sergeant Jesus Lumabao, bandang alas-5:20 ng hapon nang mangyari ang insidente sa naturang lugar.
Napag-alaman, habang naglalakad ang binatilyo nang magparinig umano si Bugoy na rarayutin nito ang mga kasama ng biktima.
Nagpasaring naman umano ang biktima na sinabing “Sige, kayo ang bahala”.
Ikinapikon umano ito ng mga suspek na nagbunot ng patalim at pinagsasaksak ang biktima at pagkaraan ay mabilis na tumakas.
Bagama’t sugatan ay tumakbo ang biktima patungo sa Mary Johnston Hospital ngunit kalaunan ay inilipat ito sa Gat Andres Bonifacio Medical Center. (RENE CRISOSTOMO)
42