RIZAL – Balik-selda ang tatlo sa siyam na presong pumuga matapos wasakin ang bintana ng Binangonan PNP jail noong Sabado, Mayo 7, sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat na tinanggap ni P/Lt. Col. Rodolfo Santiago II, hepe ng pulisya, kinilala ang tatlo sa nadakip na mga pugante sina Bryan Poras, 35; Joseph Picadizo, 22, at Rolly Anas, 38, pawang nahuli sa hot pursuit operation.
Target naman ng manhunt operation ang anim pang pugante na sina Edward Borja, Jason Francisco, Noel Guilardo, Jonel Prudenciado, Jefferson Santuyo at Alex Anorico, 27-anyos.
Ayon kay Pat. Carl Tablante, jail officer, winasak ng mga bilanggo ang bakal na rehas sa bintana, umakyat sa bubong at tumakbo patungo sa Manila East Road, Brgy. Calumpang sa nabanggit na bayan.
Nabatid din kay Tablante, walo sa mga suspek ay may kasong illegal drugs habang si Anorico ay may kasong pagnanakaw. (ENOCK ECHAGUE)
143