BISOR NG QC STL HULI SA BOOKIES

NALAMBAT ng mga tauhan ng District Special Operations Unit ng Quezon City Police District (DSOU-QCPD) sa isinagawang operasyon ang sales supervisor ng QC STL habang nagpapataya ng bookies sa nasabing lungsod noong Setyembre 7, 2022.

Kinilala ni QCPD Director, P/BGen. Nicolas Torre III, ang suspek na si Teddy Pascual y Gemida, 53-anyos, may asawa, tambay, tubong Cebu, at residente ng Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Dakong alas-10:30 ng gabi noong Setyembre 7, 2022, nagsagawa ng operasyon laban sa ilegal na sugal ang mga operatiba ng DSOU-QCPD, sa pamumuno nina P/Maj. DonDon Llapitan at P/Lt. Armando Penaflor, Jr., sa Pook Pag-asa St., Brgy. Batasan Hills kung saan nadakip si Gemida.

Nakumpiska sa suspek ang isang ID, piraso ng papel na may numero ng mga mananaya (papelitos), isang itim na ballpen, at P300 tayang pera na magkakaiba ang denominasyon.

Ang suspek ay kinasuhan ng paglabag sa PD 1602 (illegal number games, EZ2 Lotteng) matapos maaktuhan na nagpapataya ng bookies na ang ginagamit na pronta ay ang STL sa QC.

Ayon sa pulisya, nagsasagawa sila ng operasyon bilang pagtupad sa kautusan na paigtingin ang kampanya laban sa illegal numbers games na nag-o-operate sa Quezon City.

Matatandaan, kamakailan ay ipinag-utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., ang  pag-aresto sa mga nasasangkot sa ilegal na Small Town Lottery (STL) sa buong bansa.

Ito ang tugon ni Abalos sa press conference noong nakaraang Miyerkoles matapos matanong ang DILG sa kanilang polisiya kaugnay sa STL na sa kabila na walang lisensiya mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), ay nagpapatuloy pa ring nag-o-operate sa ilang lugar sa bansa.

Dahil dito, nanawagan si Abalos sa taumbayan na isumbong sa mga awtoridad kung may nalalaman silang nasasangkot sa ilegal na STL para mahuli ang mga ito. (JOEL O. AMONGO)

7

Related posts

Leave a Comment