BJMP LIBRARY PROJECT APRUB KAY NOGRALES

NI JOEL O. AMONGO

HINDI balakid ang kulungan para hindi makamit ang edukasyong susi sa magandang kinabukasan, ayon kay Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles, kasabay ng pagkilala sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nasa likod ng mga silid-aklatan sa iba’t ibang piitan.

Ayon kay Nograles, ang pagtataguyod ng mga library sa mga pasilidad na pinangangasiwaan ng BJMP, ay patunay ng malasakit ng kawanihan sa mga presong patuloy na umaasang may naghihintay na magandang kinabukasan sa sandaling matapos ang kanilang pananatili sa tinawag niyang ‘bakasyunan.’

“I laud the Bureau of Jail Management and Penology for this project. Sa tulong ng library project na ito ay mabibigyan ng oportunidad ang ating mga PDL (persons deprived of liberty) na matuto at maging mas produktibong miyembro ng lipunan,” ani Nograles na miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD).

Sa tulong ng United Nations Office on Drugs and Crime, inilunsad ng BJMP ang proyektong “Read Your Way Out: Advancing Prison Reform Through Libraries for Lifelong Learning in Places of Detention”.

Sa datos na halaw ni Nograles sa naturang kawanihan, umabot na sa 13 piitan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nabigyan ng mga aklat, habang marami pang ibang pasilidad ang nakatakdang pasinayaan bago matapos ang buwan.

Gayunpaman, aminado si Nograles na marami pang pangunahing kagamitan ang kailangan para sa pagtatayo ng kani-kanilang mga silid-aklatan.

Aniya, ang mga tinukoy na silid-aklatan ay mayroong legal resources (20%), vocational resources (30%), fiction and nonfiction (40%), at mga babasahing pambata para sa bumibisitang pamilya (10%).

Binigyan-diin ng mambabatas ang kahalagahan ng pagbibigay ng oportunidad para sa edukasyon para sa PDLs – “Ang kulungan ay hindi lang para sa parusa. Ang isa pang mas mahalagang layunin ay ang rehabilitasyon ng mga PDL,” pahayag pa niya.

Bilang patunay, ibinahagi ng kongresistang nagsanay ng abogasya sa Harvard, na si Nelson Mandela aniya ay nagtaguyod ng mga silid-aklatan para sa mga preso.

“Dahil papalapit na rin ang budget season, maganda rin ang timing para matanong natin kung natutupad ba ng pamahalaan ang responsibilidad nito sa PDL rehabilitation, at kung magkano ba ang kakailanganin para maging mas maayos ang kondisyon ng ating mga PDL,” ayon pa sa kanya.

Pasok din sa kanyang legislative agenda ang pagbalangkas ng batas na inaasahang magbibigay-solusyon sa pagsisikip sa mga bilangguan.

Base sa isang pag-aaral ng Justice Sector Coordinating Council (JSCC), 70% ng kabuuang bilang ng mga piitan sa Pilipinas ang mayroong 386% congestion rate – ang espasyo para sa 10 katao, okupado ng tinatayang 40 preso.

134

Related posts

Leave a Comment