KAIBIGAN ni dating Special Assistant to the President (SAP) at ngayo’y Senator Christopher “Bong” Go ang isa sa mga Chinese drug lord na si Alan Lin.
Ito ang bahagi ng matrix na iprinisinta ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Deputy Director General Renato Gumban sa ika-12 pagdinig ng House Quad committee sa illegal drugs, Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at Extra-Judicial Killings (EJK).
Base umano sa mapagkakatiwalaang impormante ng PDEA, si Alan Lin ay gumagamit ng iba’t ibang pangalan tulad ng Jeffrey Lin, Ayong Lin at Weng Li Chen.
“According to this informant, Allan Lin is close friend of then Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go,” ani Gumban kung saan nakalagay ang larawan ng senador sa matrix.
Ayon sa opisyal, junket operator umano si Lin at sangkot sa pagkidnap sa mga high roller Chinese gamblers sa Okada Manila. Kinasuhan ito dahil sa illegal drugs sa Cavite subalit nadismis ang kaso.
Pinaniniwalaang sangkot si Lin at ang dating economic adviser ni dating pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang sa P3.6 billion droga na nahuli sa Mexico, Pampanga, noong September 24, 2023 dahil ang mga incorporator ng Empire 999 na may-ari ng bodega tulad nina Willie Ong at Aedy Ty Yang, ay konektado sa mga kumpanya nina Michael Yang at Allan Lin at asawa nitong si Rose Nono Lin.
Konektado rin umano sina Michael Yang at Allan Lin sa Johnson Chua Drug Group na nag-ooperate ng drug warehouse sa Cagayan de Oro City, drug laboratory sa Dumoy at Bunawan, Davao City.
“Michael Yang handle shipping requirement for Johnson Chua while Allan Lin who was connected to Yang operated a clandestine shabu laboratory in Cavite,” ayon pa kay Gumban.
Ang isa pang kapatid umano ni Yang na si Hong Jiang Yang na nasa likod umano ng Full Win Group of Companies ay nag-transfer ng pera sa Boufu Land Development Inc, na pag-aari ni dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.
Ang kumpanya naman aniya ni Guo ang nagpaupa sa POGO licensee na Hongsheng Gaming Technologies Incorporated na ni-raid ng mga otoridad sa Bamban, Tarlac noong nakaraang taon dahil sa pagkakasangkot umano ng iba’t ibang criminal activities. (BERNARD TAGUINOD)
40