BONI BILANG NATIONAL HERO, TINUTULUGAN SA KAMARA

TINUTULUGAN sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magdedeklara kay Gat Andres Bonifacio bilang National Hero o pambansang bayani ng Pilipinas.

Maging ang panukalang batas na isama sa curriculum ng secondary education ang buhay at pakikibaka ni Bonifacio, ay mistulang inaanay sa House Committee on Basic Education and Culture, kahit inihain ang mga ito sa Kongreso noong nakaraang taon pa.

Sinimulan ng mga militanteng mambabatas ang krusada sa Kongreso na ideklara si Bonifacio bilang national hero noong 17th Congress pa.

Dahil dito, ipinaalala ni House Deputy Minority Leader France Castro sa liderato ng Kamara, ang nabanggit na mga panukala kahapon, Nobyembre 30, kasabay ng ika-160 kaarawan ni Bonifacio.

“Sa pamamagitan ng panukalang batas na ito ay mas pag-aalabin sana ang diwang makabayan ng mga Pilipino lalo na ang mga kabataan. Ikintal ang pagiging mapanuri at ‘di sunod-sunuran sa dayuhan man o iilan at ang laging nasa isip ay ang kapakanan ng bayan,” ani Castro.

Sa ngayon ay tanging si Jose Rizal ang pambansang bayani ng Pilipinas subalit hindi ang mga Filipino ang pumili sa kanya sa nasabing titulo kundi ang Amerikano, kaya nais ng grupo ni Castro na ipasa na ang kanilang House Bill (HB) 3573.

Nais din ng mga ito na maipasa ang HB 1156 para magkaroon ng hiwalay na subject para sa buhay at kontribusyon ni Bonifacio sa Pilipinas na naging dahilan para makamit ng mga Pilipino ang Kalayaan sa mga Kastila matapos ang mahigit 300 taong pananakop.

(BERNARD TAGUINOD)

114

Related posts

Leave a Comment