ISANG mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines at armadong galamay nitong New People’s Army, na may patong na P5.2 million sa kanyang ulo, ang nadakip ng mga tauhan Philippine National Police sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Ayon kay SJDM City PNP Director P/Lt. Col. Rannie Lumactod, dinakip ng mga awtoridad sa pangunguna ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group, ang 78-anyos na babae na sinasabing isang high ranking official umano ng CPP-NPA kamakalawa ng gabi sa Towerville, Barangay Minuyan.
Sa pahayag ng PNP-CIDG, may anim na warrant of arrest silang hawak laban sa sa 78-anyos na babaeng hinuli sa kasong arson, multiple murder at frustrated murder na inisyu ng mga korte sa Samar noong 1990, 2003 at 2012.
Nabatid na kasamang dinakip ang 74-anyos na mister nito matapos na makitaan umano ng baril sa loob ng kanyang bag na tahasan namang itinanggi ng lalaki na pag-aari niya ito.
Maging ang misis niya ay itinanggi na kasapi sila ng makakaliwang hanay.
Ayon kay Police Maj. Mae Anne Cunanan, tagapagsalita ng PNP-CIDG, isa umanong bookkeeper ng communist terrorist group ang babae, habang pinaghihinalaang may katungkulan din sa kilusan ang lalaki.
Sinabi pa ni Cunanan, “alibi” lamang ng mga nahuli ang kanilang naging mga pahayag katunayan ay matagal na nilang tinutugaygayan ang mga suspek at mismong mga dating kasamahan nila sa grupo ang nagkumpirma ng kanilang kaugnayan sa CPP-NPA.
Kasalukuyang inilagay muna sa custodial facility ng Anti-Organized Crime ng CIDG sa Camp Crame ang mag-asawa. (JESSE KABEL RUIZ)
