BOOM TRUCK SWAK SA BANGIN SA QUEZON, BUKIDNON, 4 PATAY

APAT katao ang patay, kabilang ang tatlong empleyado ng munisipyo at isang barangay kagawad ng Quezon, Bukidnon, matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang boom truck noong Huwebes ng hapon, Marso 16.

Ayon sa report ng Quezon Municipal Police Station sa lalawigan ng Bukidnon, sakay ng boom truck, nag-deliver ng mga concrete culvert ang mga biktima sa Barangay Linabo at pabalik na sa munisipyo nang mangyari ang insidente.

Ayon sa imbestigasyon, binabagtas ng mga biktima ang pakurbada at bulubunduking daan nang mawalan ng kontrol sa manibela ang nagmamaneho.

Bunsod nito, nahulog sa bangin sa gilid ng kalsada ang truck na nagdulot ng mga grabeng pinsala sa mga sakay nito.

Agad nasawi si Ronald Pantua na siyang driver ng boom truck, at mga sakay nito na sina Ricardo Saison, at Alfredo Villamero na pawang job order employee ng Quezon, Bukidnon LGU.

Kabilang din sa nasawi ang kasama nilang barangay kagawad ng Barangay Linabo na si Eduardo Sereno, Jr.

Sugatan namang isinugod sa ospital ang isa pa sa mga sakay ng truck na si Ronald Ratunil.

Nangako naman ang lokal na pamahalaan ng Quezon ng tulong pinansyal para sa mga gastusin ng mga biktima. (NILOU DEL CARMEN)

157

Related posts

Leave a Comment