SELYADO ngayon at mahigpit na binabantayan ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang lahat ng entry at exit points sa Negros Oriental kaugnay sa nagpapatuloy na hot pursuit operation laban sa natitira pang mga suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa.
Ito ay makaraang ihayag ng PNP na malaki ang posibilidad na may lead na sila sa pagkakakilanlan ng mastermind sa malagim na Degamo slay case matapos ang inquest proceeding sa apat na nadakip na mga suspek, kung saan dalawa rito ay posibleng mailagay sa ilalim ng Witness Protection Program ng pamahalaan.
Ayon kay Police Lt. Col. Gerard Ace Pelare, tagapagsalita ng Special Investigation Task Group Degamo, tiwala silang hindi pa nakalalabas ng probinsya ang nasa anim hanggang walong suspek bukod sa tinutukoy na mastermind.
Sinasabing may mga ibinulgar na umano ang mga suspek na pumatay kay Degamo.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, ang rebelasyon ng mga suspek ay mula sa extra judicial confession ng dalawa sa apat na arestadong suspek kung kaya’t pinaniniwalaang may credible lead ang pulisya para matukoy ang mastermind sa krimen.
Isinasapinal na umano ng itinatag na Special Investigation Task Group (SITG) ang mga posibleng kaso na isasampa laban sa mastermind.
Lubha lamang umanong nag-iingat ang mga imbestigador para masigurong may airtight case sila kaya pinag-iingatan ang pagpapalabas ng impormasyon para hindi makompromiso ang kanilang imbestigasyon.
Magugunitang kabilang sa mga angulong tinututukan bukod sa personal na alitan ay ang political angle dahil ang pagkakaupo ni Degamo bilang gobernador sa Negros Oriental ay bunsod ng diskwalipikasyon ng kanyang kalaban sa politika.
Nabatid pa kabilang sa mga iimbestigahan ngayon ng PNP ang posibilidad na mga mga private armed goons o gun-for-hire ang mga sangkot sa pagpatay kay Degamo.
Sinasabing lumilitaw sa background investigation sa mga nadakip na suspek ay may mga nauna na rin kaso ng pagpatay.
Nagmula aniya ang mga suspek sa iba’t ibang lugar na posibleng binuo bilang isang liquidation squad para patayin ang kanilang target.
Magugunitang mismong si Pangulong Bongbong Marcos Jr ay naniniwalang pulitika ang dahilan sa paglikida kay Degamo. Dahilan para atasan ng pangulo ang pamunuan ng PNP at maging ng AFP na buwagin ang mga private armies sa bansa. (JESSE KABEL RUIZ)
