NAIS ipadiskwalipika sa Commission on Elections (Comelec) ang ilang kandidato sa pagka-punong barangay at kagawad sa Barangay San Bartolome, Quezon City dahil umano sa premature campaigning at vote-buying.
Sa reklamong inihain nina Jon Jon Francisco, Pedro Villanueva at Cora Cuadra sa Comelec, hiniling nila na mapatawan ng diskwalipikasyon ang mga kandidatong sina Francisco Delfin, Jr., Lovely Capiral, Napoleon Ocampo, Dondon Elman, Kyle Bigcas, Jun Coronado, Ron Espiritu at Jesus Lomboy.
Base sa reklamo, tahasan umanong lumabag sa kautusan ng Comelec ang mga nabanggit sa paglalagay ng campaign materials o mga tarpaulin bago ang itinakdang araw ng pangangampanya at kahit ang mga ito ay nakapaghain na ng kanilang Certificate of Candidacy.
Kasama ng reklamo na isinumite ang mga larawan na ebidensya umano ng paglabag ng mga nabanggit na kandidato.
Nakunan ng larawan ang nagkalat na campaign materials sa maraming lugar sa nasabing barangay.
Sinabi pa sa reklamo na bukod sa mga pagpapakalat ng campaign posters, nakita rin ang mga ito na namimigay ng mga gamit pambahay, tulad ng aparador, kama, dining table at iba pa, na isang tuwirang paglabag sa “Kontra Bigay” at “Vote-Buying” na nakapaloob sa Omnibus Election Code at Comelec Resolutions.
Samantala, sa Facebook post ng isang residente ng San Bartolome na nai-share ni Francisco Delfin, Jr. noong September 25, 2023, makikita na dumadalo si Delfin sa isang pagtitipon kasama ang mga kabataan at nakalagay sa “caption” – “siya ang taong hindi napapagod gumawa ng mabuti at tumulong sa kapwa” – Kagawad Delfin, Jr. Future Kapitan ng San Bartolome”.
Malinaw umanong nilabag ni Delfin, Jr. ang Section 80 ng Omnibus Election Code o Partisan Political Activity Outside Campaign Period at ang resolusyon ng Comelec sa “Kontra Bigay” ukol naman sa pamimigay at pagpapakain ng mga botante ng naturang barangay.
Bunsod nito, hiniling nina Francisco, Villanueva at Cuadra sa Comelec na desisyunan ang kanilang reklamo bago ang eleksyon sa Oktubre 30. Sakaling pagbigyan ito ng Comelec, posible umanong hindi na makatakbo bilang Punong Barangay si Delfin, Jr. at mga Kagawad nito na sina Lovely Capiral, Napoleon Ocampo, Dondon Elman, Kyle Bigcas, Jun Coronado, Ron Espiritu at Jesus Lomboy.
(PAOLO SANTOS)
196