BULKANG TAAL ALERT LEVEL 3 NA

ITINAAS ng Phivolcs ang alert status ng Taal Volcano mula sa Alert Level 2 patungo sa Alert Level 3 nitong Sabado ng umaga.

Ito ay matapos magkaroon ng aktibidad ang bulkan na nagsimula sa short-lived phreatomagmatic burst.

Ngunit ayon sa Phivolcs, sinundan pa ito ng patuloy na phreatomagmatic activity kung saan naglabas ito ng makakapal na usok mula sa main crater na umabot sa 1,500 na metrong taas.

Nakapagtala rin ito dakong umaga ng sunod-sunod na pagyanig o volcanic earthquake at nagdulot ng infrasound signals.

Ayon sa Phivolcs, may magmatic intrusion sa main crater na posibleng mauwi sa tuluyang pagsabog ng bulkan.

Inirekomenda ng Phivolcs ang agarang evacuation sa mga nakatira sa mismong isla ng bulkan at sa high-risk barangays ng Bilibinwang at Banyaga, sa Agoncillo, at Boso-boso, Gulod at Bugaan East sa bayan ng Laurel.

Ito ay dahil sa posibleng panganib na dulot ng pyroclastic density currents at volcanic tsunami kung sakaling magtutuloy-tuloy ang pagsabog ng bulkan.

Ilang residente inilikas na

UMABOT na sa mahigit 200 pamilya, na binubuo ng mahigit sa 700 katao ang inilikas mula sa ilang barangay sa bayan ng Agoncillo bunsod ng muling pag-aalburoto ng bulkang Taal.

Batay sa Facebook page ng Agoncillo na Magandang Agoncillo, ang mga inilikas ay mula sa mga Barangay ng Banyaga, Subic Ilaya, Subic Ibaba at Bilibinwang.

Ito rin ang mga barangay na pinakagrabeng napinsala sa nakaraang pagsabog noong Enero 2020.

Agad namang nagresponde at naghanda ng mga kakailanganing tulong sa paglilikas sa apektadong mga residente sa mga bayan ng Balayan, San Luis, Lemery, Padre Garcia at Batangas City,

Ang mga inilikas ay dinala na sa evacuation centers at sa municipal gym ng Agoncillo, Batangas.

Ang bayan ng Agoncillo ay nasa southwest side ng Taal volcano island at isa sa pinakamalapit na bayan sa crater, kasama ng Bayan ng Laurel. (NILOU DEL CARMEN)

107

Related posts

Leave a Comment