BUMBERO ISASABAK NA RIN SA MEDICAL RESPONSE

HINDI lang pag-apula sa sunog ang magiging trabaho ng mga bumbero kapag tuluyang naipasa ang panukalang batas, kundi magliligtas din ang mga ito ng buhay ng mga tao lalo na sa panahon ng kalamidad.

Sa susunod na linggo ay inaasahang isasalang sa pinal at huling pagbasa ang House Bill (HB) 6521 na nag-aamyenda sa Republic Act (RA) 1158 o Bureau of Fire Protection Modernization Act, matapos itong ipasa sa ikalawang pagbasa sa pamamagitan ng viva voce voting.

Sa ilalim ng nasabing panukala, magiging medical first responder, Emergency Medical Technicians (EMT) ang mga miyembro ng Bureau of Fire and Protection (BFP), hindi lamang sa panahon ng sunog kundi lalo na kapag nagkaroon ng kalamidad.

Layon ng nasabing panukala na magligtas ng buhay ng mga biktima ng kalamidad dahil ang mga ito ang unang grupo na nasa ground zero kapag may nangyaring sakuna, upang agad na matulungan ang mga tao na nangangailangan ng agarang medikal.

Dahil dito, lahat ng mga miyembro ng BFP lalo na ang bagong recruit na may ranggong Fire Officer 1 (FO1), ay kailangang sumailalim sa Fire Basic Recruit Course (FBRC) kasabay ng advanced first aid and emergency first response training.

Ang Department of Health, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) ang magbabalangkas at magpapatupad sa training program sa mga bumbero.

Binigyan ang BFP ng 5 taon para maipatupad ang programa na mahalaga umano dahil sa climate change, na madalas na ang malalakas na mga bagyo, landslide at iba pang uri ng natural calamities. (BERNARD TAGUINOD)

410

Related posts

Leave a Comment