HUMINGI ng saklolo ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Hong Kong Mission Control Center (HKMCC) para sa paghahanap sa Cessna 206 na pinaniniwalaang bumagsak sa bulubunduking bahagi ng lalawigan ng Isabela.
Ayon kay CAAP spokesperson Eric Apolonio, ang Hongkong ay mayroon Search and Rescue Satellite-Aided Tracking (SATSAT) System na maaaring makapag-review o kaya ay mag-evaluate sa paghahanap sa kinaroroonan ng Cessna 206.
Aniya, ang kanilang Area Control Center Radar at Clark Radar ng Communication Navigation Surveillance /Air Traffic Management System, ay walang kakayahan na maka-pick up sa binagsakan ng Cessna 206.
Kung kaya’t hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nila ma-locate ang eksaktong lugar, lalo na sa masamang panahon na nakasasagabal sa kanilang isinasagawang search and rescue operation.
Matatandaan na ang huling contact ng Cauayan Control Tower sa Cessna 206 ay noong Martes dakong alas-2:19 ng hapon sa may Naguilian bridge.
Kasunod nito, nag-isyu ang CAAP ng NOTICE to Airmen (NOTAM) B0391/23, “covering the area some 13NM South of Naguilian, 13 NM West of Naguilian, 17 North to 17 East of Maconacon Airport, with an estimated area of 1,000 square nautical miles” bilang search ang rescue area. (FROILAN MORALLOS)
