CALOOCAN PINARANGALAN SA 100% VACCINATION

PINARANGALAN ng Department of Health – National Capital Region ang Lungsod ng Caloocan sa mahusay na pagkamit ng 100% target vaccination sa kanilang populasyon kontra COVID-19.

Iginawad kay Mayor Oscar Malapitan ng mga kinatawan mula sa DOH-NCR, sa pangunguna nina Regional Director Gloria J. Balboa at Local Health Support Division chief, Dr. Amelia C. Medina, ang ‘Certificate of Recognition’ para sa lungsod ng Caloocan.

Samantala, binigyang-parangal din ang Caloocan City Health Department sa kanilang natatanging pakikiisa at pangunguna sa pagbabakuna sa lungsod.

Kinilala rin si Malapitan sa kanyang pag-alalay sa pakikiisa ng lungsod sa Bayanihan, Bakunahan National COVID-19 Vaccination Days noong ika-29 ng Nobyembre hanggang ika-1 ng Disyembre, 2021.

Ito ay matapos magpadala ang Lungsod ng Caloocan ng isang vaccination team upang tumulong sa pagbabakuna sa Obando, Bulacan noong National Vaccination Days.

“Ang mga sertipikong ito ay patunay na lubos ang ginagawang pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod upang mabakunahan ang mamamayan nito, maging sa mga kalapit na lugar, upang patuloy nating malampasan ang pandemya at magkaroon ng ligtas at protektadong pamayanan,” ani Malapitan. (ALAIN AJERO)

3

Related posts

Leave a Comment