CANADIAN NAGOYO NG P13-M NG PINAY FB FRIEND

LAGUNA – Nahaharap sa kasong estafa ang isang ginang matapos nitong huthutan ng P13 milyon ang isang Canadian citizen na nakilala nito sa Facebook.

Noong Linggo ng hapon ay naaresto sa entrapment operation ng mga tauhan ng Sta. Cruz, Laguna Police ang 33-anyos na suspek na taga Calamba City.

Inaresto ang suspek dahil sa reklamo ng 65-anyos na Canadian citizen na si Bruce Thomas Marshall na dumating sa Pilipinas noong Agosto 11.

Ayon sa Canadian, nakilala niya sa Facebook ang suspek at sa pamamagitan ng matamis na pananalita nito at nakumbinsi siyang magpadala ng perang umabot sa mahigit P13 milyon mula noong 2019.

Ipagpapagawa umano ng ginang ng townhouse ang pera ng biktima para sa plano nitong paninirahan sa Pilipinas.

Subalit nang magkita ang dalawa, walang maipakitang townhouse ang suspek at mula noon ay nagtago na ito.

Muling kinontak ng suspek ang biktima sa messenger at humihingi pa ito ng P350,000 para umano makapagpagawa ng mini grocery para magkaroon siya ng hanapbuhay at makabayad sa dayuhan.

Doon na nagsumbong sa pulisya ang biktima at isinagawa ang entrapment operation sa bayan ng Sta. Cruz.

Makaraan ang ilang pagpapalit ng venue kung saan ibibigay ang pera, naaresto ang ginang sa isang mall sa Brgy. Labuin sa nasabing bayan.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam kung may mga kasabwat ang suspek sa panloloko sa dayuhang biktima. (NILOU DEL CARMEN)

4

Related posts

Leave a Comment