CASH MAS PRAKTIKAL KAYSA BIGAS SA 4Ps BENEFICIARIES – DSWD

MAS praktikal ang pamamahagi ng cash grants kaysa sa aktuwal na pamamahagi ng bigas sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sinabi ito ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Secretary Romel Lopez at tagapagsalita ng departamento matapos irekomenda ng National Food Authority ang pagbili at pamamahagi ng bigas sa halip na P600 monthly rice allowance para sa mga benepisyaryo ng 4Ps.

Tinuran ng DSWD na mas gugustuhin pa nito na sumunod sa implementing rules and regulations (IRR) ng 4Ps Act “which calls for rice cash subsidy instead of distributing actual bags of rice.”

“Under sa ating 4Ps law, talagang nakalagay doon na ang stipend natin ay cash at ito po ay ibibili ng bigas ng ating mga beneficiaries,” ayon kay Lopez.

Idinagdag pa nito na ang kasalukuyang sistema gamit ang cash card ng mga benepisyaryo ay mas praktikal at makabubuti na mamahagi ng rice subsidy at mas kapaki-pakinabang para sa mga benepisyaryo dahil maaari silang mamili ng bigas na gusto nilang bilhin.

“We want to give our beneficiaries iyong ika nga nila, na purchasing power. Choice po nila iyon,” dagdag na pahayag nito.

Bukod sa rice subsidy, ang mga miyembro ng 4Ps ay makakatanggap ng monthly health at education cash grants.

Tiniyak naman ni Lopez sa publiko lalo na sa mga benepisyaryo na handa ang DSWD na mamahagi ng sako ng bigas sa 4Ps beneficiaries sa halip na cash subsidy sa oras na aprubahan ng National Advisory Council (NAC) ang resolusyon na nananawagan ng aktwal na rice distribution sa halip na cash grant.

(CHRISTIAN DALE)

138

Related posts

Leave a Comment