KASABAY ng agad na pagsabak sa trabaho ng bagong talagang Armed Forces of the Philippines Chief-of-Staff, ipinagkibit-balikat lang ng hukbong sandatahan ang intrigang kalakip ng white paper na kumakalat sa punong himpilan ng AFP.
Sa halip na patulan ang mga patutsada hinggil sa di umano’y paggamit kay retired AFP chief Lt. Gen. Bartolome Bacarro, nanindigan ang pamunuan ng AFP na suportado nila ang pagbabalik ni Gen. Andres Centino bilang AFP chief-of-staff.
Normal din anila ang sitwasyon sa kabila pa ng mga ulat hinggil sa di umpano’y nilulutong destabilisasyon ng mga AFP officers na piniling magbitiw sa pagkadismaya.
Petsang Agosto 8 ng nakaraang taon nang itinalaga bilang AFP chief-of-staff ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Bacarro – kapalit ng ngayo’y nagbabalik na si Centino.
Sa isang pahayag, tiniyak naman ng tatlong AFP major services at mga unified command chiefs ang suporta kay Centino bilang ika-59 na hepe ng sandatahan.
Batay sa nilalaman ng white paper, kinaladkad lamang di umano si Bacarro sa “sadyang pinakalat” na destabilization para isulong ang interes ng ilang heneral gamit ang kontrobersyal na Republic Act 11709 na nagsusulong ng tatlong taong fixed term sa AFP chief-of-staff at iba pang matataas na opisyal ng sandatahang lakas ng bansa.
“RA 11709, and not the AFP Chief of Staff Lt.Gen Bacarro – is the real cause of alleged rumbling in AFP,” saad sa isang bahagi ng naturang kalatas.
Usap-usapan rin sa social media ang napabalitang kudeta ng mga dismayadong heneral bilang reaksyon sa pagtatalaga muli ni Marcos Jr, kay dating AFP chief General Centino.
Tumangging magbigay ng komento o pahayag si AFP Information Officer Col Jorry Baclor hinggil sa nasabing ulat. Gayunpaman, sinabi niyang isa sa mga pag-uusapan ng pamunuan ng AFP ang pagkalat ng naturang white paper.
“The unintended consequences of RA 11709 are already being addressed after the conduct of consultations,” paglilinaw ni AFP spokesperson Col. Medel Aguilar.
Samantala, tiniyak naman ni Bacarro na suportado niya ang nagbabalik na chief of staff. (JESSE KABEL RUIZ)
