IPINAGPATULOY ng pwersa ng Municipal Disaster Risk Reduction & Management Office (MDRRMO), Philippine National Police (PNP), at Bureau of Fire Protection (BFP) ang search operation para sa nawawalang Cessna plane na sinasabing namataan malapit sa bunganga ng Bulkang Mayon.
Kamakalawa ay itinigil ang operasyon dahil sa masamang panahon sa Camalig, Albay bukod pa sa nasa loob na ng danger zone ang sinasabing crash site.
Bitbit ng team, ang drones, thermal camera at rescue dogs para mabilis na matukoy ang lokasyon ng nawawalang eroplano.
Ayon kay Camalig Mayor Caloy Baldo, matarik ang lugar, malamig at maulan kaya’t payo niya sa team na mag-doble ingat at ang tanging aakyat patungo sa lokasyon ay ang may alam sa hiking.
Ang Cessna plane ay lumipad mula Bicol International Airport patungong Maynila ngunit bigla itong nawalan ng kontak noong Sabado.
May apat na sakay ang eroplano na kinabibilangan ng piloto na si Capt. Rufino James Crisostomo Jr., Mechanic Joel Martin at ang mga pasahero na sina Simon Chipperfield at Karthi Santhanam, kapwa Australian national.
Gayunman, hindi pa umano natatagpuan ang mga ito.
Samantala, hihingi muna ng permiso ang incident management team ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa pamunuan ng Phivolcs, bago umakyat ang kanilang mga tauhan malapit sa bunganga ng Mayon Volcano.
Ayon kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, maselan at mapanganib ang magtungo sa may bunganga ng Bulkang Mayon dahil nananatili ito sa Alert Level 2. (FROILAN MORALLOS)
