SA gitna ng matumal na pagpasok ng mga dayuhang puhunan sa kabila ng sangkaterbang biyahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., binuhay ni House Speaker Martin Romualdez ang Charter change (Cha-cha).
Sa Philippine Constitution Association (Philconsa) Day and Senate Night sa Fairmont Raffles Hotel Ballroom, Makati City na inisyatibo ng Manila Overseas Press Club (MOPC) and Philconsa noong Martes ng gabi, sinabi ni Romualdez na kailangan ng bansa ang Cha-cha upang amyendahan ang mga economic provision ng 1987 Constitution.
“In summary, our Constitution, as noble and well-intentioned as it is, has elements that are no longer adaptive to our needs,” paliwanag ni Romualdez.
Inihalimbawa nito ang Article XII, Section 10 ng Saligang Batas kung saan 60 percent ng negosyo sa bansa ay pag-aari ng mga Pilipino habang ang natitirang 40% ay para sa mga dayuhang maglalagak ng puhunan.
Hadlang din umano sa pagpasok ng foreign investors ang Article XVI, Section 11 na nagbabawal sa mga dayuhan na magkaroon ng media company sa bansa at Article XII, Section 11 kung saan hindi pwedeng magmay-ari ng lupa ang mga ito.
“Amending these provisions isn’t just a matter of law—it’s about transforming the opportunities available to every Filipino. It’s about catalyzing a new era of prosperity, characterized by more robust economic growth, technological advancement, job creation, and ultimately, a better quality of life for each and every citizen,” ani Romualdez.
Isinisi ng lider ng Kamara sa mga nabanggit na probisyon sa 1987 Constitution kung bakit napag-iwanan ang Pilipinas ng Vietnam at Indonesia pagdating sa foreign direct investments (FDIs) kaya apektado ang job creations.
Base aniya sa report ng World Bank (WB), 3.9% ang FDIs sa Pilipinas mula 2010 hanggang 2019 kumpara sa 7.6% ng Vietnam at 9.4% ng pagdating sa FDIs at sa World Economic Forum’s Global Competitiveness Report noong 2019, ika-64 lamang ang Pilipinas sa 141 bansa sa mundo.
“These aren’t just numbers; they are indicators of lost opportunities,” ani Romualdez kaya kailangang aksyunan na aniya ng Senado ang dalawang panukalang batas na ipinasa na ng Kamara noong Marso 2023 na kinabibilangan ng Resolution of Both Houses 6 (RBH 6) at House Bill 7352.
Sa RBH 6, maghahalal ang taumbayan ng Constitutional Convention (Concon) delegate na siyang mag-aamyenda sa Saligang Batas habang HB 7352 ay nagdedetalye kung anong mga probisyon ang aamyendahan.
Gayunman, may agam-agam ang ilan sa intensyon ni Romualdez.
Duda ang ilang grupo na posibleng pakana ito ng Malakanyang upang mapanatili ang kanilang renda sa poder.
Matatandaang noong Enero, 2020 ay tinangka na ring isulong sa Kamara ang Cha-cha sa pamamagitan ni noo’y House Speaker Lord Allan Velasco.
Tinuligsa ito ng iba’t ibang grupo maging ng ibang mambabatas dahil hindi umano napapanahon lalo pa’t nasa gitna ng pandemya sa COVID-19.
Ang mga militanteng mambabatas naman ay duda na tanging economic provisions ang aamyendahan kundi para palawigin pa ng mga nakaupong politiko ang kanilang termino.
(BERNARD TAGUINOD)
