QUEZON – Patay ang isang operator nang masabugan ng cooking machine na kanyang kinukumpuni sa isang chicken processing center sa Barangay Lagalag, sa bayan ng Tiaong sa lalawigang ito, noong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Ranier Caraan, 31, ng nasabing lugar.
Ayon sa report, inaayos ng biktima ang hindi gumaganang chicken cooking machine sa Johannas Chicken Processing Center nang bigla itong sumabog.
Tinamaan ang biktima ng nagtalsikang mga bahagi ng makina naging dahilan ng grabeng pinsala sa kanyang ulo at katawan.
Isinugod ng mga kaanak at ng staff ng establisyemento sa ospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Inaalam pa ng mga imbestigador kung bakit sumabog ang nasabing makina.
Nakahanda namang magbigay ng tulong pinansyal ang may-ari ng processing center sa pamilya ng biktima.
(NILOU DEL CARMEN)
223