PINATAWAN ng anim na araw na pagkakakulong sa Batasan Pambansa Complex sa Chief of Staff (COS) ni Vice President Sara Duterte na si Undersecretary Zuleika Lopez matapos itong ma-cite in contempt noong Miyerkoles ng gabi.
Bago nag-adjourn ang ika-6 na pagdinig ng House committee on good government and public accountability na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua, tinanong ni House deputy minority leader France Castro si Lopez hinggil sa sulat ng Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (COA) na huwag sumunod sa subpoena ng Kamara na humihingi ng dokumentong kung papaano ginamit ang confidential funds ng pangalawang pangulo.
Ayon kay Lopez, hindi siya ang gumawa ng sulat na ipinadala sa COA noong Agosto 21, 2024 kundi ang kanyang assistant chief of staff na si Lemuel Ortonio subalit inamin nito na siyang ang lumagda dito kaya nalabag umano ang Section 11, letter F ng House Rules hinggil sa pag-iimbestiga.
“So may I move Mr. Chair na nag-violate si Atty. Lopez dito sa ating proceedings or dun sa ating trabaho, due to this Section 11, letter F, undue interference on the conduct of proceedings. May I move to cite Atty. Lopez in contempt,” ani Castro.
Sinegundahan ang mosyon ni Castro at walang tumutol kaya inaprubahan ito at sa hiwalay na mosyon, inirekomenda na ikulong sa detention cell ng Kamara si Lopez hanggang sa November 25. (BERNARD TAGUINOD)
101