PINANGANGAMBAHANG lolobo pa ang bilang ng naitalang mga namatay sa Christmas Day flooding na umaabot na sa 13 katao dahil may 23 pa ang sinasabing nawawala, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council kahapon ng umaga.
Sa datos na inilabas ng NDRRMC, mayroon nang 13 namatay bagamat bina-validate pa ang labing-isa rito. “Karamihan for validation, ang kulang na lang is mga papeles like police report or death certificate.”
Nabatid na ang nasabing 13 casualties ay may body count na o nakuha na ang mga bangkay o kaya for validation dahil kulang ng papeles, paliwanag ng NDRRMC.
Pito sa mga namatay ay mula sa Northern Mindanao, tatlo sa Bicol Region, dalawa sa Eastern Visayas, at isa sa Zamboanga Peninsula, ayon sa datos na ibinahagi ni OCD information officer Diego Mariano.
“Karamihan po dito is drowning dulot ng flash floods,” ani Joint OCD-NDRRMC spokesman.
“Bukod sa naitalang 23 nawawala ay may anim naman ang iniulat na nasugatan sa kasagsagan ng malawakang pagbaha sa bahagi ng Mindanao at Visayan region bunsod ng Amihan at nararanasang shear line,” ani Mariano.
Labing-dalawa sa mga nawawala ay mula sa Eastern Visayas na karamihan ang mga mangingisda.
Samantala, nasa 44,282 families o 166,357 katao mula sa Mimaropa, Regions 5, 8, 9,10 at Bangsamoro ang naapektuhan ng naganap na flash flooding kung saan kailangang ilikas sa kanilang mga tahanan ang 10,356 katao.
Sa inisyal na ulat, umabot na sa P60 milyon ang tinatayang pinsala sa agrikultura kaya patuloy na binabantayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kaganapan sa mga apektadong lugar kung saan may mga lugar nang nagdeklara na under state of calamity .
“Sa ating mga kababayan na naapektuhan lalo sa evacuees, patuloy ang pagdating ng tulong ng pamahalaan. Hindi po kayo pababayaan ng pamahalaan. Tuloy-tuloy ang pagbibigay ng tulong ng LGUs sa pamumuno ng kanya-kanyang local chief executives kasama ng national government sa tulong ng DSWD at NDRRMC,” pahayag ng Malacañang.
“Sa ating mga kababayan na apektado ng shear line, ang panawagan po namin kung merong warning ang local government officials na lumikas o lumipat na, nawa’y marahil sumunod tayo para maiwasan ang mas malalang sakuna na dala ng kalamidad na ito,” panawagan ni Mariano. (JESSE KABEL RUIZ)
