CIDG NAGAGAMIT SA PANGHA-HARASS NG LUCENT?

NANINIWALA ang ilang tauhan ng Lucent Gaming and Entertainment Corporation na miyembro ng Samahan Ng Masaganang Quezon City (SNMQC) na nagagamit ng nasabing kumpanya ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para i-harass at takutin sila.

Noong Disyembre 19, 2023, dakong alas-10 ng umaga ay hinuli ng mga tauhan ng CIDG Camp Karingal sina Edna Molato y Medrano; Mary Jane Garcia y Bosque, alias “Duday”; Grace Camacho y Garcia at Danilo Argarin y Castro na isang senior citizen sa Brgy. Old Balara, Quezon City dahil sa paglabag sa R.A. No. 9287 (Illegal Numbers Games).

Kinagabihan ay hinuli rin ng CIDG Camp Karingal, QC si Gino Densuray, 27-anyos.

Batay sa isinumiteng dokumento ng mga pulis para sa inquest proceeding, kabilang sa mga umaresto sa mga nabanggit sina PSSg. Harold Birosel at PSSg. Jayson Salongga.

Ayon kina Birosel at Salongga, ang Area Manager ng Lucent Gaming na si Robert Dela Cruz ay nag-report sa kanilang opisina dakong alas-2 ng hapon noong Disyembre 18 dahil sa hinihinalang illegal gambling activity sa Rosal St., Old Balara Site, Diliman, Quezon City.

Kasunod nito ay nagsagawa ng surveillance operation dakong 1:30 ng hapon ang mga pulis kasama ang ilang tauhan ng Lucent at natuklasan na ang ushers/coordinators o engkargado umano ay nakikipagsabwatan sa illegal gambling na mas kilala bilang “STL”.

Sa nasabing impormasyon, ang mga operatiba ng CIDG Regional Field Unit National Capital Region, Quezon City District Field Unit kasama si Robert bilang complainant ay nagsagawa muli ng surveillance dakong alas-9 ng umaga noong Disyembre 19 sa Lucent station upang beripikahin ang impormasyon patungkol sa illegal gambling activity.

Sinasabi na sa parehong petsa at oras, sina PSSg Birosel at PPSg Salongga kasama ang complainant na si Robert ay naaktuhan na nagpapalitan ng Draw Hours, Draw Results at Draw Title na nakasulat sa maliit na white board na naka-post sa glass window ng istasyon ang apat na nabanggit na indibidwal kaya inaresto ang mga ito nang walang warrant of arrest.

Si Robert at ang mga inirereklamo ay pawang empleyado ng Lucent.

Ngunit dahil hindi napatunayan ng mga tauhan ng CIDG na totoo ang ibinibintang sa mga inaresto ay nakalaya ang mga ito matapos maglabas ang Quezon City Prosecutor Office ng resolusyong Release for Further Investigation (RFI).

Dahil dito, sinabi ng isang abogado na nagpapatunay lamang na frame-up o gawa-gawa ang kasong isinampa sa limang dinampot ng mga tauhan ng CIDG para i-harass at takutin ang mga ito ng pamunuan ng Lucent.

Aniya pa, kung may sapat na basehan laban sa mga inaresto ay inakyat sana ang kaso sa korte.

Gayundin ang paniwala ng mga inaresto. Kaya umano sila pinadampot ng pamunuan ng Lucent sa mga tauhan ng CIDG para unti-unti silang alisin ng kumpanya at bigyan-daan ang paglalagay ng mga booth sa bawat istasyon nito para doon magbayad ang kanilang mga mananaya.

Ibinunyag naman isa pang source na malakas umano ang pamunuan ng Lucent sa isang mataas na opisyal ng CIDG kaya mabilis nitong naipadadampot ang gusto nilang ipahuli kahit na mga tauhan pa nila ito na gustong nilang alisin nang pwersahan.

(JOEL O. AMONGO)

165

Related posts

Leave a Comment