CKD ikapitong dahilan ng pagkamatay ng mga Pinoy DIALYSIS CENTERS PARA SA BAYAN ILULUNSAD

PATULOY na nananalasa ang chronic kidney disease (CKD) kaya kailangang tulungan ang mga tao lalo na ang mahihirap na dumaranas ng nasabing sakit, para mapahaba pa ang kanilang buhay.

Ito ang tinuran ni Quezon City Rep. Marvin Rillo kasunod na paglalagda ng memorandum of agreement (MOA) sa Passion Healthcare Philippines Inc., para sa implementasyon ng ‘Dialysis Centers Para Sa Bayan’ nitong Huwebes.

“We are absolutely determined to improve the quality of life of CKD patients, and we want them to enjoy longer lives with their loved ones,” pahayag ng mambabatas, dahil mabigat umano ang pinagdadaanan ng mga pasyenteng ito.

Sinabi ng mambabatas, ang CKD ang ika-7 sa mga dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino base sa report ng National Transplant and Kidney Institute, at patuloy na dumarami ang mga ito.

Patunay rito ang projection ng Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) na gagastos ng P17 billion ngayong taon para sa 3.6 million Filipino na may CKD.

Mas mataas aniya ito sa P14 billion  na ginastos ng Philhealth  para sa 2.9 million dialysis patients noong 2021, at P12.6 billion para sa 2.7 million CKD patients noong 2020.

Dahil dito, kailangang ilapit na ang mga dialysis center sa mga tao upang matulungan ang mga pasyente lalo na ang hindi nakakukuha ng tulong sa PhilHealth, dahil sobrang mahal aniya ang pagpapa-dialysis.

“We find it unacceptable that many poor Filipinos living with CKD are dying early simply because of their inability to pay for costly dialysis treatment,” ayon pa sa mambabatas.

Sa ilalim ng nilagdaang MOA, magtatayo ng modernong dialysis centers sa ikaapat na distrito ng lungsod na siyang magbibigay ng libreng dialysis treatment sa mga pasyente lalo na ang mga mahihirap. (BERNARD TAGUINOD)

22

Related posts

Leave a Comment