CLOSED VAN NG KUMPANYA TINANGAY NG APAT

kulong

CAVITE – Arestado ang isang lalaki habang pinaghahanap ang tatlo pa nitong kasamahan na mga suspek sa pagtangay sa isang Isuzu closed van sa Bacoor City noong Huwebes ng umaga.

Kinilala ang naarestong suspek na si Lester Arcado habang pinaghahanap ang mga kasamahan nito na sina John Aeron Barba, Libert Tindoy, at Leo Albert Tindoy, pawang mga nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Niog 3, Bacoor City, Cavite.

Ayon sa reklamo ni Sally Chen y Ogeda, 28, kay Corporal Marco Romero Cupo ng Bacoor City Police, nadiskubre nilang nawawala ang isang Isuzu closed van na may plakang PWQ 373, na naka-rehistro  sa Cosy General Merchandise, sa loob ng Cosy Style Warehouse sa Molino Boulevard, Brgy. Niog, Bacoor City, dakong alas-11:00 ng umaga noong Huwebes.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, nakilala ang suspek na si Arcado sa pamamagitan ng closed circuit television (CCTV) sa kalapit na establisyemento.

Agad nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto kay Arcado.

Ikinanta naman ni Arcado ang pagkakakilanlan ng tatlo pa nitong kasamahan na pawang tinutugis ng mga awtoridad. (SIGFRED ADSUARA)

157

Related posts

Leave a Comment