‘COLOR GAMES’ NAMAMAYAGPAG SA BULACAN

KALIWA’T KANAN ang operasyon ng ilegal na pasugalan gaya ng color games sa mga peryahan sa buong lalawigan ng Bulacan.

Sa impormasyon ng SAKSI Ngayon, pinapayagan ng mga lokal na opisyal at PNP ang operasyon ng color games sa mga peryahan na matatagpuan sa halos bawat bayan at lungsod dito.

Ayon sa reliable source ng SAKSI, talamak at tila kabuteng nagsusulputan ang mga peryahan sa lalawigan at sa ‘di maipaliwanag na dahilan ay lantaran ang sugalan sa loob nito.

Ayon sa isang magulang na ayaw ipabanggit ang pangalan, halos mga kabataan at menor de edad ang kadalasang nakikitang nagsusugal sa color games na umaabot sa libu-libo ang tayaan.

Base sa sumbong na ipinaabot sa mga miyembro ng Bulacan based media, hindi magandang impluwensiya ang natututunan ng mga kabataan sa nasabing pasugalan.

Ayon pa sa source, kalimitan sa mga batang pinapayagan magsugal ay nasa edad 7 pataas kaya naman nananawagan sila sa local authorities na gumawa agad ng aksyon hinggil sa nasabing ilegal na aktibidad.

Dahil dito, nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang sektor sa lalawigan gaya ng mga samahan ng kababaihan, parents and teachers association sa ‘di mapatigil na sugal sa peryahan kaya nais ng mga ito na ipaabot kay Police Regional Office 3 (PRO3) regional director PBGen Jose Hidalgo Jr. ang kanilang petisyon na ipatigil ang sugalan sa mga peryahan.

Nabatid maging ang mga kaparian at pastor ng iba’t ibang religious sector ay tinutuligsa ang mga naturang pasugalan na sinasabing kinukunsinte ng mga lokal na opisyal.

Samantala, tuloy-tuloy rin ang saklaan sa bayan ng Santa Maria, Bulacan at kahit walang nakaburol na patay ay may sakla.

(ELOISA SILVERIO)

289

Related posts

Leave a Comment