‘COPS KILLER’ NAPATAY SA PAMPANGA

PAMPANGA – Dead on arrival sa pagamutan ang tinaguriang cops killer, ang ikalimang suspek at lider ng Flores group na responsable sa pataksil na pagpatay sa dalawang anti-drug operatives ng Mabalacat City Police noong Disyembre 3, 2022.

Sa isinumiteng ulat kay Philippine National Police (PNP) chief, Police General Rodolfo Azurin, ni Police Regional Office 3 Director, P/BGen. Cesar Pasiwen, patay sa inilunsad na law enforcement operation ang suspek na kinilalang si Kenneth Flores na piniling lumaban nang sabayan kaysa magpahuli nang buhay.

Ayon kay Gen. Azurin, nagtangka pang tumakas si Flores habang isinisilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest sa Sitio Dungan, Brgy. Tabun, Mabalacat, Pampanga dahil sa kinahaharap nitong kasong double murder, na sinundan ng palitan ng putok.

Nagawa pang isugod si Flores sa Mabalacat District Hospital pero idineklarang patay na ng attending physician.

Unang nadakip ang tatlong mga suspek na mga tauhan ni Flores, sa Mabalacat sa ikinasang follow-up operations ng mga awtoridad noong Disyembre 2022, na kinilalang  sina Jun-Jun Baluyut, Aries Bagsic, at Leslie Placente. (JESSE KABEL RUIZ)

48

Related posts

Leave a Comment